Inihayag nina Suzi Entrata-Abrera at Camille Prats na nami-miss nila ang kanilang dating talk show na "Mars," kung saan para na raw silang isang pamilya.

"I think it's seeing each other regularly and every episode, siyempre, katulad din dito, iba naman siya nang iba eh. So may favorites kami, meron kaming tumatak na sa isipan namin," sabi ni Suzi sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

Nagustuhan din ni Suzi na marami silang natatalakay na mga usapin sa kanilang programa na hindi lang para sa pamilya.

"When we first started doing 'Mars,' lagi kaming may sore throat ni Camille. Sa sobrang excitement namin, pasigaw kaming lahat all the time. Ganu'n kami ka-excited. And it's so varied also kasi may workout, may luto. As in. Everything," sabi ni Suzy," dagdag pa ni Suzy.

Si Camille naman, nami-miss ang programa na pamilya na ang turingan sa mga staff at crew.

"And also the people. Siyempre the people in the studio, kami-kami ang magkakasama, it became a family. And we were doing that for eight long years. And then added 'Mars Pa More,' seven years and three years. So pamilya talaga," sabi ni Camille.

Ayon kina Suzi at Camille, sa una pa lang nilang pagkakasama sa trabaho, magkasundo na agad sila.

"I like Camille very much. I would do nanay-nanay shows and before, talk shows a long time ago. Naggi-guest naman si Camille, so kilala ko siya," sabi ni Suzi.

Sinabi naman ni Camille na kinabahan siya noon, dahil kilala nang host si Suzi, kumpara sa kaniya na mas sanay bilang aktres.

"Siguro sa end ko, siyempre mas kinakabahan ako kasi alam ko that she's a seasoned host. And when I did Mars, I was not a host, I was an actress. So medyo naguluhan ako noong sinabi na I am hosting Mars kasi parang, why all of a sudden a hosting job?" ani Camille.

Unang umere ang "Mars" noong Hunyo 2012 sa GMA News TV na naging "Mars Pa More" pagkaraan ng pitong na taon at inilipat sa GMA-7. Taong 2022 nang magpaalam sa ere ang programa.--FRJ, GMA Integrated News