Inilahad ni "Star for All Seasons" na si Ate Vilma Santos na "my heart is full" matapos siyang i-endorso para gawing National Artist ngayong 2024.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi pa ni Ate Vi na "deeply humbled" siya sa pag-endorso sa kaniya ng grupong Aktor PH na unang inanunsyo ni Dingdong Dantes.
Hoping and praying for the best daw si Ate Vi sa kung ano man ang magiging pinal na desisyon kung makahirang nga siyang National Artist, at makasama sa hanay ng mga aktor na sina Manuel Conde, Fernando Poe Jr, at Nora Aunor.
Nangako ang Star for All Seasons na walang tigil siyang susuporta para sa ikauunlad ng Philippine entertainment industry.
Isinulong kamakailan ng Liga ng mga Aktor sa Pilipinas na Aktor PH na ideklarang National Artist si Vilma.
Sa ginanap na media conference ng Aktor PH noong nakaraang Biyernes, binasa ni Dingdong, isa sa mga opisyal ng Aktor PH, ang mensahe ni Charo Santos-Concio, na bahagi ng Advisory Board ng Aktor, sa pagnomina kay Ate Vi bilang National Artist.
Ilan sa mga hindi mabilang na pelikula ni Vilma ang Trudis Liit kung saan nakuha niya ang kaniyang unang acting award bilang Best Child Actress noong 1963 FAMAS Awards; Darna (1973) at Dyesebel (1973).
Marami ring pelikula na tumatalakay sa usapin ng lipunan at pamilya ang nagawang pelikula ni Ate Vi gaya ng Relasyon (1982), Sister Stella L. (1984), Dahil Mahal Kita: The Dolzura Cortez Story (1993), at Anak (2000) at When I Met You In Tokyo (2023).
Bukod dito, sumabak din si Ate Vi sa public service, bilang Mayor ng Lipa, Gobernador ng Batangas at miyembro ng House of Representatives sa ika-6 congressional district ng Batangas.
Ang National Commission for Culture and the Arts at Cultural Center of the Philippines ang sasala sa mga nominado na idedeklarang mga bagong National Artist.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News