Dahil sa kutob at matalas na mga mata sa pagsilip sa mga larawan ng kaniyang mister, nakumpirma at nahuli umano sa akto ng isang misis na kasama ng kaniyang asawa ang pinaniniwalaan niyang kalaguyo nitong babae. Ang mainit na komprontasyon, napanood pa sa Facebook live ng ginang.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakilala ang ginang na nag-FB live nang mainit na komprontasyon sa loob ng umaandar na truck na si Stella.

Sa video, makikita na hinarang ng ginang ang isang delivery truck na minamaneho ng kaniyang mister na pilit niyang pinapababa. Nasa loob din umano ng truck ang kalaguyo nitong babae.

Pero nang umarangkada pa rin ang truck, sumabit si Stella sa side mirror na dahilan para siya makaladkad at magkasugat sa tuhod.

Nang tumigil ang truck at buksan ng babae ang pinto ng sasakyan, sumampa si Stella at sinimulan nang mag-FB live habang umaarangkada ang truck.

"Kabit niya oh. Kaya pala ang lakas ng loob mo ha. Ngayon, tingnan natin kung sinong 'di mapaiyak," sabi ng ginang sa video.

Ayon kay Stella, noong pa man ay kinutuban na siya na mayroong babae ang kaniyang mister na isang truck driver. At nang minsan na hindi nagparamdam ang kaniyang mister habang nasa biyahe, sinilip niya ang account nito at tiningnan ang group chat sa pinagtatrabahuhan.

Doon gumana ang matalas na mga mata ni Stella nang may maaninag siya sa larawan na repleksiyon sa salamin ng truck na isang cellphone sa passenger side.

Nagduda si Stella kung bakit may isa pang cellphone sa sasakyan gayung dapat mag-isa lang sa truck ang kaniyang mister at nasa passenger side pa.

Wala ring ligtas sa matalas na paningin ni Stella ang selfie ng kaniyang mister habang nasa harapan ng truck nang mapansin niya ang strap ng bag na pambabae sa loob ng sasakyan.

Nang komprontahin niya ang mister, itinanggi raw nito na may babae siya.

Hanggang isang araw, nagdesisyon si Stella na puntahan ang kompanya na pinapasukan ng kaniyang mister. Sumakay siya ng habal-habal at pinakiusapan ang rider nito na kumuha ng video.

At nang lumabas ang kaniyang mister na sakay ng truck, doon na raw niya nahuli na kasama nga nito ang pinaniniwalaan niyang babae ng kaniyang asawa.

Ngunit kalaguyo nga ba talaga ng kaniyang mister ang babae at mauwi kaya sa hiwalayan at demandahan ang pagsasama ng mag-asawa? Tunghayan sa video ng ito ng "KMJS" ang buong istorya. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News