Dumating na sa bansa ang mga labi ng dalawang Filipino crew member na nasawi sa pag-atake ng Houthi group sa bulk carrier na MV True Confidence noong Marso, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Martes.
Sinalubong ng mga nagdadalamhating pamilya ang mga labi ng mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport Cargo Area. Nandoon din ang mga tauhan at opisyal ng OWWA, Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at ang kanilang manning agency.
Tutulungan din ng pamahalaan at manning agency ang pamilya ng mga nasawing tripulante na maiuwi sa kani-kanilang lalawigan ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Nagtulong-tulong ang DFA, DMW, kanilang manning agency at OWWA upang maproseso ang pagpapauwi ng mga labi ng dalawa nating kababayan na biktima ng karahasang ito ng mga Houthi,” ayon sa pahayag ng OWWA.
Sa pahayag ng DMW, sinabing sinamahan ni Dubai Labor Attaché John Rio Bautista na makauwi sa bansa ang mga labi ng OFWs.
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na tulungan ang pamilya ng mga nasawing marino.
Nitong nakaraang Marso nang atakihin ng missile ng grupong Houthi ang MV True Confidence na may sakay na 15 Pinoy seafarer sa Red Sea.—FRJ, GMA Integrated News