Simula sa July 8, mamimigay ng papremyo na aabot sa mahigit P2 milyon ang Kapuso games show na “Family Feud.” Ang mga Kapuso viewer, may pagkakataon ding manalo.

Ngunit hindi lang ang mga tumatangkilik sa “Family Feud” ni Dingdong Dantes ang may tiyansang manalo sa bagong “Guess to Win” promo, kung hindi maging ang mga tumatangkilik sa mga programa sa GMA Afternoon Prime block.

Limang “Guess to Win” promo questions ang ipakikita sa commercial break ng mga programang “Abot Kamay Na Pangarap,” “Lilet Matias: Attorney-at-Law,” “Fast Talk With Boy Abunda,” “Voltes V: Legacy,” at “Eclipse of the Heart.”

Maaaring ipadala kaagad ng viewers ang kanilang sagot sa sandaling makita ang tanong. Dalawa pang katanungan ang ipakikita naman sa episode ng “Family Feud.”

Maaaring ipadala ng viewers ang kanilang sagot sa official promo website na: www.gmanetwork.com/FamilyFeudGuessToWin.

Kaagad ding malalaman ng viewers kung sino ang mga mananalo sa mismong araw na ipinadala ang mga katanungan sa "Family Feud.” Mayroong daily winners ng tig-P20,000.00.

Para makasali sa promo, dapat Pilipino at nasa edad 18 pataas ang viewers . Dapat may kahit isang government-issued ID, verified email address, at valid mobile number.

Tanging mga viewer na nasa Pilipinas lamang ang maaaring lumahok sa promo.

Magsisimula ang promo sa July 8 hanggang sa August 2, 2024. Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang: www.gmanetwork.com/FamilyFeudGuessToWin.

Samantala, maaaring manalo ng hanggang P1.25 million ang teams sa Family Feud bawat linggo, Habang P700,000 naman para sa mga loyal viewer via “Guess to Win” promo. Ang mapipiling charities ng mga mananalo, tatanggap naman ng P100,000.

Napapanood ang “Family Feud” mula Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 5:40 p.m. bago ang GMA News program na "24 Oras." --FRJ, GMA Integrated News