Nag-walk out si Senador Nancy Binay sa pagdinig ng Senate committee on accounts nitong Miyerkules na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano na sinusuri ang gastusin sa ipinapagawang bagong gusali ng Senado sa Taguig na umaabot na umano sa P23 bilyon ang pondo.
Ayon kay Cayetano, isinagawa ng kaniyang komite ang pagbusisi sa proyekto sa bagong gusali ng Senado matapos mapansin ng bagong Senate President na si Sen. Francis "Chiz" Escudero, ang malaking pondo na nakalaan dito.
Sa pagdinig, iginiit ni Binay, dating chairperson ng komite na hawak ngayon ni Cayetano, na P21 bilyon pa lang at hindi P23 bilyon ang nailalaan sa proyekto.
"Do your math. P21 [billion] is not P23 [billion]. Mr. Chairman, pareho ba ang P21 [billion] at P23 [billion]?" tanong ni Binay.
Pero nanindigan si Cayetano na P23 bilyon na ang pinag-uusapang pondo, kasama ang P1.6 bilyon para sa pagbili ng lupa.
Nagsimulang maging mainit ang diskusyon ng dalawang senador na tumagal ng ilang minuto nang sabihin ni Binay na hindi dapat magpaumanhin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Senado, gaya ng nais ni Cayetano, dahil umano sa mga record na iprinisenta sa komite.
Ang DPWH ang namamahala sa naturang proyekto sa pagpapagawa ng bagong gusali ng Senado na itinatayo sa Taguig.
Inakusahan ni Cayetano si Binay na nais nitong guluhin ang pagdinig at nais pang iugnay umano ang iringan ng Makati at Taguig.
Dati nang may iringan ang magkatabing Makati at Taguig dahil sa usapin ng hangganan o sakop na teritoryo ng bawat lungsod. Ang asawa ni Cayetano na si Lani ang alkalde ng Taguig, habang kapatid ni Binay na si Abigail ang alkalde ng Makati.
"Ano bang intention mo na guguluhin mo ang hearing natin? Ang dami mo nang inimbento sa media naka-10 interview ka. Baka ito naman 'yung Makati-Taguig, eh hindi mo man lang iniba question sa radyo. Lahat pare-pareho ang question, eksakto pa. Eh 'di halatang ikaw nagbigay ng question," ayon kay Cayetano na itinanggi ni Binay.
Ayon kay Binay, hindi binibigyan ng pagkakataon ni Cayetano na makapagpaliwanag ang DPWH sa mga usapin na ipinupunto nito [Cayetano].
"Kanina pa gusto magpaliwanag DPWH hindi sila makapagpaliwanag nang maayos... Hindi ako ang nanggugulo, Mr. chairman. Pagpasok ko pa lang ang gulo na ng hearing," giit ng senadora.
Nagpatuloy ang sagutan hanggang tanungin ni Binay ang DPWH kung mayroong P23 bilyon na nakasaad sa kanilang dokumento tungkol sa gastusin ng bagong gusali ng Senado.
Sumagot naman sa naturang tanong si DPWH Undersecretary Emil Sadain na, "There is none."
Matapos ang sagot ni Sadain sinabi ni Binay kay Cayetano na, "Thank you, Mr. Chairman. I made my point. There's no such thing as P23 billion sa DPWH. Thank you, Mr. Chair," at umalis na siya sa pagdinig.
Nang tumalikod si Binay, sinabi ni Cayetano na, "Paulit-ulit na tayo kanina pa na P21.7 billion. Nabuwang ka na 'day. Tapusin natin nang maayos 'to. Senado 'to nang Pilipinas. Hindi ito palengke."
Sa ambush interview, sinabi ni Binay na nagpaalala sa kaniya ang naturang pagdinig na ginawa ni Cayetano sa nangyaring Senate investigation noong 2015 sa Makati City Hall Parking Building, na proyekto ng kaniyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay-- noong alkalde pa ito ng Makati.
Kabilang si Cayetano sa mga nanguna sa naturang imbestigasyon.
"This is a replay of the 24 [na] Senate hearings noong 2015...Tingnan natin kung tatalunin ba nito 'yung record na 24 hearings," sabi ni Binay.
"Siyempre, tao lang din naman tayo and parang 'yung sugat na akala ko naghilom na, parang binuksan ulit dahil naaalala ko 'yung ginawa sa pamilya ko, kung paano nila sinira yung pangalan namin," dagdag ng senadora. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News