Nagkagitgitan ang isang kotse at pick-up, na humantong sa pamamaril sa Quezon Avenue sa Barangay Doña Josefa, Quezon City.

Ang isang babaeng sakay ng kotse, sugatan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, isinalaysay ng driver ng kotse sa pulisya na nagmula sila sa España Boulevard sa Maynila nang makagitgitan nila ang isang pick-up sa Welcome Rotonda.

Sumagi ang pick-up sa side mirror ng kanilang kotse, kaya hinabol niya ang pick-up at pinahinto.

Paghinto ng pick-up, kinunan nito ng larawan ang driver ng kotse.

Umalis umano ang pick-up ngunit makaraan ang ilang saglit, bumalik at pinaputukan sila ng driver nito.

Nasapul ang isang babae na kasama sa limang sakay ng kotse. Isinugod siya sa ospital.

Narekober na pulisya sa crime scene ang isang basyo at tingga ng bala.

Nire-review na ng pulisya ang mga CCTV footage para matukoy ang namaril na driver ng pickup.

Tumanggi munang magbigay ng panig sa media ang driver ng kotse. —VAL, GMA Integrated News