Inilahad ng aktor na si Romnick Sarmenta na kailan man ay hindi niya pinangarap na sumikat. Payo niya sa iba na umabot sa "itaas," dapat alam din kung paano tanggapin kapag "bumababa" na.
"I have always immensely enjoyed working. Parte kasi siya ng pagkatao ko. Since nagsimula akong mag-artista ng four years old, it has always been 'normal' to me," sabi ni Romnick sa Updated with Nelson Canlas podcast.
"Hindi ko pinangarap talaga [na sumikat], totoo. Hindi ko pinangarap kahit kailan," saad niya. "Gusto ko lang magtrabaho. It allows me to express myself. I enjoy it in that sense. And on the practical side, nakakatulong sa pamilya ko."
Pagbalik-tanaw ni Romnick, hindi siya nanggaling sa isang mayamang pamilya, kaya para sa kaniya, masaya na siyang nakakatulong sa kanila.
"Kasi 'di naman kami mga anak mayaman. And sa family ko, ako lang naman talaga ang artista. When that was happening, I was like, kung nakakatulong sa pamilya ko at nag-enjoy ako, tapos na nagagamit ko kung anuman itong regalo na ito ng Diyos, eh 'di okay. Okay na 'yun. Sobrang blessing na ito," paliwanag niya.
Para kay Romnick, na propesor na rin ngayon, may katapusan ang kasikatan, at may darating na ibang tao na posibleng may mga higit pang katangian kaysa kaniya.
"So, when people started talking about being popular, or 'yun nga, na mas sumisikat, I always thought na, 'So hanggang kailan 'to? Kasi alam ko, pinalaki ako sa idea na palaging may 'mas' kesa sa 'yo. May mas guwapo, may mas magaling, may mas matalino, may mas matangkad, may mas maputi. Palaging may 'mas.' So hindi puwedeng ikaw 'yung sukdulan," ayon kay Romnick.
Kaya para sa kaniya, mahalaga ring matuto ang isang artista na tanggapin kapag hindi na niya kapanahunan.
"So, 'pag dumating 'yung time na umabot ka sa taas, dapat alam mo din kung paano tanggapin 'pag wala ka na sa taas. So hindi ko pinangarap yung 'umabot sa pinakataas. Kasi parang sabi ko, paano 'yung pakiramdam pagkatapos nu'n?," sabi pa ni Romnick.
Bukod sa pagiging artista, nagtuturo si Romnick sa Trinity University of Asia, kung saan naimbitahan siyang maging lecturer noon sa Media and Communication Department ng College of Arts, Sciences and Education.--FRJ, GMA Integrated News