Isang lalaki na nag-aabang lang ng masasakyan sa gilid ng kalsada ang nasawi matapos siyang mabundol ng isang kotse at maipit sa isang jeep sa Lipa City, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, makikita sa CCTV footage ng barangay ang biktima na nakatayo sa gilid ng kalsada nang banggain siya ng puting kotse.
Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima at hindi na umabot nang buhay sa pagamutan.
"Pauwi 'yung victim natin sa Taguig. So, possible, baka nag-aabang ng jeep papunta ng [mall] para makasakay ng bus papunta ng Taguig — or possible, baka din uuwi muna sa Malvar doon sa bahay nila," ayon kay Police Captain Ricardo Cuevas, Chief Investigator ng Lipa Component City Police.
Ayon sa pulisya, sinabi ng driver ng kotse na nagkamali siya ng tapak sa gas sa halip na preno.
"It so happened na instead na preno yung naapakan niya is 'yung accelerator, [ito ang] nag-cause ng pagbilis ng sasakyan," sabi ni Cuevas.
Nagkaroon na umano ng pag-uusap ang driver ng kotse ang pamilya ng nasawing biktima.
"Nakipag-cooperate naman talaga 'yung driver ng kotse, considering na unintentionally naman ang nangyari. Based sa settlement na nangyari, kumbaga sasagutin naman talaga 'yung lahat ng gastos," ayon kay Cuevas.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang driver ng kotse at pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News