Isang lalaking pasahero ang tumilapon at na-shoot sa luggage compartment dahil sa matinding turbulence na naranasan ng sinasakyan niyang eroplano ng Air Europa.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing inilahad ng mga pasahero na tila tumagilid ang eroplano bago bumulusok ng ilang segundo.

Makikita ang kaliwa't kanang pinsala sa loob ng eroplano matapos ang turbulence.

Nagtamo ng mga sugat, bali at pasa sa katawan ang nasa 30 pasahero matapos ang insidente.

Sinabi ng mga awtoridad na nag-take off ang eroplano ng Air Europa mula Madrid at papunta sanang Uruguay. Ngunit nag-emergency landing ang eroplano sa Brazil dulot ng severe turbulence.

Isinugod sa pagamutan ang mga sugatang pasahero, samantalang agad ding nagpadala ng replacement flight ang airline.

"From one moment to the next, the plane destabilized and went into a dive. The people who didn't have seat belts went up in the air and hit the ceiling, and they got hurt. Those who had seat belts on, not so much," ayon sa isang pasahero.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Air Europa tungkol sa nangyaring insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News