Patay ang isang batang lalaki na limang-taong-gulang matapos siyang tagain ng isang lalaking bigla na lang nag-amok sa Asipulo, Ifugao. Sampung iba pa ang nasugatan bago napatay ng mga rumespondeng pulis ang suspek.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Amduntog.
Ayon sa pulisya, unang nanaga ang suspek sa isang sitio kung saan tatlo ang kaniyang nabiktima.
Lumipat ito sa kabilang sitio at muling nanaga ng tatlong tao. Isang barangay hall naman ang pinasok din ng suspek kung saan apat ang kaniyang tinaga--kabilang ang punong barangay.
Karamihan umano sa mga biktima ay nagtamo ng taga sa ulo, leeg, likod at dibdib.
Ayon kay Police Captian Francisco Buyuccan, hepe ng Asipulo Politca Station, nakita ng mga rumespondeng pulis ang suspek sa papunta na sa Antipolo Central School.
"Dumating na yung tropa, tatagain sana yung isang babae na nakita, hindi makatakbo sinigawan siya, tapos tuloy pa rin, tatagain talaga. So pinaputukan ng tropa ng isa, tapos tuloy pa rin na tatagain, so another shot," anang opisyal.
Dinala sa ospital ang suspek at doon na siya binawian ng buhay.
Napag-alaman ng mga awtoridad na dalawang beses nang nakulong ang suspek sa mga kasong murder at frustrated murder. --FRJ, GMA Integrated News