Patay ang isang criminology student na tumatakbong kagawad sa Sangguniang Kabataan (SK) elections matapos na pagbabarilin ng riding in tandem sa Initao, Misamis Oriental.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV One Mindanao, kinilala ang biktima na si Mark Allen Tacbobo, 23-anyos, at kakandidatong SK kagawad sa Barangay Jampason.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo si Tacbobo na kaagad nitong ikinamatay. Nakatakas naman ang mga salarin.
“Base sa information nga adunay motorsiklo nga ang gisakyan sa maong suspetsado nga mipusil. Naigo kini siya sa iyang forehead portion sa iyang ulo gihapon,” sabi ni Misamis Oriental Provincial Police Office Spokesperson, Lieutenant Theofratus Pia.
Sa isinagawang hot pursuit operation, isang SUV na may sakay na motorsiklo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen ang pinigil ng mga awtoridad.
Itinuring na person of interest ang tatlong sakay ng SUV na isinailalim sa paraffin test pero nagnegatibo sa gunpowder nitrates kaya pinakawalan din.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen. --FRJ, GMA Integrated News