Patay ang isang pulis matapos siyang magulungan ng isang ten-wheeler truck sa Cagayan de Oro City. Ang biktima, bumangga muna sa likod ng isang nakaparadang sasakyan kaya natumba at saka nagulungan ng truck.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Patrolman Josel Yongco, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion 10.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, tinatahak ni Yongco ang diversion road sa Villa Vicente Zone 1 sa Barangay Kauswagan nang tumama siya sa isang nakaparadang pick-up truck.

Dahil dito, natumba ang biktima at kasamaang-palad ay bumagsak sa gilid ng dumadaan na truck na minamaneho ni Randy Abo Abo.

Ayon kay Abo Abo, mabagal lang ang takbo ng kaniyang sasakyan at hindi niya kaagad namalayan na may nasagasaan siya.

Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide. --FRJ, GMA Integrated News