Nasawi ang isang lalaki na may hinahabol umanong musang matapos siyang makuryente sa isang bakod sa Mulanay, Quezon.

Sa ulat ng Balitang Southern Tagalog sa GTV News "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Mario Sabalboro, na nakarating sa isang private property sa paghabol niya sa musang o isang uri ng wild cat.

Ayon sa pulisya, pumasok ang musang sa bakod ng property, at tinangka umanong alisin ng biktima ang barbed wire para masundan ang hayop sa loob.

Gayunman, napahawak ang biktima sa isang kableng nabalatan kaya siya nakuryente.

Nasugatan at nawalan naman ng malay ang anak na babae ng biktima na tumulong sa kaniya sa paghabol.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at may-ari ng bakod, ayon sa ulat.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News