Tila may pasaring na mensahe si Speaker Martin Romualdez sa mga nagdududa sa ipinamimigay na cash assistance o ayudang pera ng gobyernong Marcos sa mga mahihirap, kabilang ang kontrobersiyal na AKAP o Ayuda Para sa Kapos and Kita Program.
Sa isang pahayag, iginiit ng lider ng Kamara de Representantes na totoo na may mga benepisaryo ang ibinibigay na ayuda ng gobyerno para sa mga mahihirap at mga tao na kapos ang kita.
“To those who doubted the importance of social safety nets, let this be a reminder: ayuda is not charity; it is justice. It is our duty to ensure that no Filipino falls through the cracks, especially in times of crisis,” ayon kay Romualdez.
“This is what governance means — not merely passing laws but ensuring that these laws translate into hope and dignity for every Filipino family. Sa mga kontra sa ayuda, handang ipakita ng administrasyong ito kung saan napunta ang bawat sentimong inilaan para rito,” dagdag niya.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa harap ng mga puna sa inaprubahang P26 bilyong pondo para sa AKAP sa ilalimng inaprubahang P6.325 trillion budget para sa 2025.
Galing ang inisyado ng AKAP sa Kamara na naunang kinuwestiyon ng mga senador nang himayin ang 2025 budget.
Gayunman, matapos ang pagpupulong ng bicameral conference committee na binubuo ng mga piling kongresista at senador, inihayag ni Senate finance committee chairperson Grace Poe, na mananatili ang pondo ng AKAP pero binawasan.
Mula sa orihinal na P39 bilyong pondo para sa AKAP na nanggaling sa Kamara, ibinaba ito sa P26 bilyon.
"Mas lalo nating pinaklaro kung para saan ba ito. So ito ay para pantulong dun sa mga nangangailangan na minimum wage earners na apektado ng mga sitwasyon o kaya ng inflation ngayon," pahayag na nakaraang pahayag ni Poe.
Ayon kay Romualdez, tunay na mga nangangailangan ang nakikinabang sa AKAP na ipinatutupad ng Departments of Social Welfare and Development, Labor, and Health, bilang mga implementing agency.
Giit pa ng lider ng Kamara, walang pagdududa na inilalabas sa naturang programa ang Commission on Audit (COA).
“These agencies are the ones running the program, not Congress. Lahat ng programang ito: may totoong benepisyaryo. May totoong resibo. Walang notice of disallowance mula sa Commission on Audit (COA),” paliwanag ni Romualdez.
Naglalabas ng notice of disallowance ang COA kapag may nakitang hindi maganda sa paggamit ng pondo “either irregular, unnecessary, excessive, extravagant, or unconscionable.”-- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News