Ibinahagi ng proud transgender man na si Jesi Corcuera ang kaniyang first baby na si Calia Elle, na una niyang tinawag na si baby Ninja.

Sa Instagram, ipinost ni Jesi ang mga cute na larawan ng kaniyang anak, habang nakatingin siya sa kaniyang anak sa isang larawan na mababakas ang labis na pagmamahal.

May larawan din si Calia habang natutulog sa basket na napapaligiran ng mga dahon t pine cones.

"Welcome to the world, Calia Elle (baby Ninja)! My life will never be the same. You are my greatest blessing," saad ng "StarStruck" alumnus.

Ngayong buwan ng Disyembre isinilang ni Jesi si baby Ninja, at ibinahagi ito ni Tito Boy sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong December 11.

 

 

Nitong nakaraang Oktubre ipinaalam ni Jesi ang kaniyang pagbubuntis sa pamamagitan ng artificial insemination.

Sumali si Jesi sa "StarStruck: The Next Level" ng GMA Network noong 2006, kasabay sina Kris Bernal, Aljur Abrenica, Paulo Avelino, Chariz Solomon, at iba pa. — FRJ, GMA Integrated News