Isang sunog na bangkay ng babae ang nakita sa pagawaan ng uling sa San Juan, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing person with disability ang biktima na kinilala ng kaniyang 11-anyos na anak.

Nasaksihan pa umano ng bata ang ginawang krimen sa kaniyang ina kaya nakilala ang mag-asawang suspek.

Batay umano sa ibinigay na impormasyon ng bata, sinakal ng mga suspek ang biktima at dinala ang bangkay nito sa pagawaan ng uling at doon sinunog.

Naaresto sa follow-up operation ang mga suspek na lumitaw na kamag-anak mismo ng biktima.

Nahaharap ang mag-asawang suspek sa kasong murder. --FRJ, GMA Integrated News