Dahil sa regalong tiket ng kaniyang amo, nagawa ng isang overseas Filipino worker sa Malaysia na sorpresahin ang kaniyang pamilya sa Pilipinas-- lalo na ang kaniyang ina-- at makapiling sila ngayong Pasko matapos ang pitong taon.

Sa ulat ng GMA Regional TV na inilabas ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ni Thanie Amoyo Golimlim, na hindi niya inasahan na ibibili siya ng kaniyang mga amo ng tiket bilang regalo sa kaniyang kaarawan.

Kaya plinano na niya ang kaniyang pag-uwi para dito magpasko at wala siyang ibang sinabihan maliban sa kaniyang tiyahin upang sorpresahin ang lahat.

Noong Disyembre 3, dumating sa bansa si Thanie at naging matagumpay ang kaniyang pagsorpresa.

Mahigpit na yakap ang isinalubong sa kaniya ng kaniyang ina, at halos ayaw na siyang bitawan dahil sa pitong taon nilang pagkakawalay.

"Masaya talaga ako na kahit ngayon Pasko lang kami nagkita sa tagal ng panahon. Abot-langit ang aking tuwa nang dumating siya," saad ni Deocelyn na ina ni Thanie.

Mag-isang inaalagaan ni nanay Deocelyn ang dalawa niyang apo sa kanilang bahay sa General Santos City

Ipinagdarasal daw talaga niya na makauwi na sana ang kaniyang anak pero hindi magawa ni Thanie dahil kailangan nitong mag-ipon.

Pero ngayon, natupad na ang Christmas wish ni nanay Deocelyn.

"Hindi importante ang mga handa, ang importante mabuo ang pamilya, masaya," sabi niya.

Bukod sa Pasko, kasama rin ni Thanie ang kaniyang pamilya na sasalubunin ang 2025 bago siya muling babalik sa piling ng mabait niyang mga amo sa Malaysia. -- FRJ, GMA Integrated News