Labis ang pighati ng isang mag-asawa sa San Jose City  sa Nueva Ecija dahil sa maagang pagpanaw ng kanilang tatlong-taong-gulang na anak na lalaki nang dahil lamang sa biniling kendi na bumara sa kaniyang lalamunan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Hazel Lucero, na December 4 nang utusan niya ang kaniyang mister na si Christian na bumili ng sabon.

Umiiyak na nagpumilit umano ang kanilang anak na si Harvey na sumama sa kaniyang tatay sa tindahan kaya kanilang pinagbigyan.

Ayon kay Christian, iniabot niya sa anak ang dalawang kendi na kaniyang binili. Pero ilang saglit lang, napansin na niyang namumutla na ang bata dahil nabilaukan na pala dahil sa dalawang kendi na isinubo nito.

Sinabi ni Christian na binaligtad niya ang anak para maisuka ang kendi pero walang nangyari. Sunod niya itong niyakap at saka inipit ang sikmura pero hindi pa rin nagbago ang kondisyon ni Harvey.

Humingi na ng tulong si Christian sa mga tao at si Dayanara Dizon ang kontroladong pumalo sa likod ni Harvey para mailuwa nito ang isang kendi.

Pero hindi pa rin bumuti ang kalagayan ng bata dahil mayroon pang isang kendi na nakabara sa kaniyang lalamunan.

Ayon kay Dayanara, nagsimula nang mangitim si Harvey kaya isinugod na nila ang bata sa ospital na 30 minuto ang layo sa kinaroroonan nila.

Mabuti na lang na may nakasalubong silang ambulansiya at doon nila isinakay si Harvey. Sa ospital, nilagyan ng tubo si Harvey para sa oxygen at ni-revive.

Subalit hindi pa rin kaagad naalis ang kendi na nakabara sa lalamunan ni Harvey sa unang ospital na pinagdalhan sa kaniya kaya inirekomenda na ilipat siya sa mas malaking pagamutan.

Sa kasamaang-palad hindi na naisalba pa ang buhay ni Harvey.

Masakit man ang nangyari kay Harvey, umaasa ang kaniyang ina na makapagbibigay ng babala sa ibang bata ang kaniyang sinapit.

Ano bang uri ng kendi ang bumara sa lalamunan ni Harvey, at ano ang dapat gawin kapag nangyari ito? Tunghayan ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News