Tuwing low tide ang dagat sa isang barangay sa Minglanilla, Cebu, tatlong balon na tinatayang 50 metro ang layo mula sa dalampasin ang lumilitaw. Paano nagkaroon doon ng mga balon at saan galing ang tubig na hindi maalat kaya puwedeng inumin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video na kuha ng vlogger na si Jonathan Abapo, habang sinusuri ang tatlong balon na parisukat ang hugis ng isa, at pabilog naman ang dalawa.
Ayon kay Abapo, narinig na niya noon ang tungkol sa mga balon na nasa gitna ng dagat kaya nagkainteres siya puntahan ito at suriin.
Ininom din niya ang tubig mula sa balon upang alamin din kung totoo na hindi ito maalat at napatunayan niyang totoo.
Ayon sa ilang residente na umiinom ng tubig mula sa balon, lasa umanong mineral water ang tubig na galing sa balon kaya nakakatipid din sila sa pambili ng inuming tubig,
Sa maliit na bilog na balon kumukuha ng tubig na pang-inom ang mga tao. Ginagawa namang pampaligo ang tubig na mula sa mas malaking pabilog na balon.
Ang tubig naman sa balon na parisukat ang ginagamit ng mga residente para sa kanilang paglalaba.
Gayunman, napansin umano ng ilang residente na nagkaroon na ng pagbabago sa kalidad ng tubig mula sa maliit na balon sa paglipas ng panahon. Dahil dito, hindi na rito kumukuha ng pang-inom ang ilang tao.
Ngunit papaano nga ba nagkaroon ng mga balon sa gitna ng dagat at bakit hindi maalat ang tubig na nakukuha sa mga ito? Ligtas ba talagang inumin ang tubig? Alamin ang kasagutan sa misteryo sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News