Ibinahagi ni Chuckie Dreyfus ang panig ng kaniyang kuwento tungkol sa alegasyon ng isang aktor laban sa kaniya at ilang pang taga-showbiz. Patungkol ito sa donasyong pera na nalikom para sa aktor na nagkasakit ngunit hindi raw ibinigay sa kaniya.
Sa programang "Lutong Bahay," tinanong ng host na si Mikee Quintos kay Chuckie kung ano nangyari talaga sa alegasyon ng namayapang aktor na hindi raw ibinigay sa kaniya ang nalikom na donasyon na pera para sa kaniya.
Ayon kay Chuckie, nang panahon na dinala sa ospital ang aktor, nagsama-sama sila nina Nadia Montenegro, Aster Amoyo, at kaniyang misis para gumawa ng parang "go fund me" upang matulungan ang aktor sa kaniyang pangangailangang medikal.
"But apparently parang may kailangan... kung anuman ang pangangailangan pa niyang iba, kulang dahil may gusto siyang iba. Parang ganun ang dating," paliwanag ni Chuckie.
Nilinaw ni Chuckie na hindi totoo ang alegasyon ng aktor na walang perang ibinigay sa kaniya.
"Sinabi niyang wala siyang tinanggap na pera ni singkong duling, 'yon pa nga yung term niya," ayon kay Chuckie, may listahan sila tungkol sa pumasok at lumabas na pera para malinaw ang lahat.
"Kaya medyo sumama ang loob namin na para mo sabihing ganon. 'Samantalang ito yung ginastos namin para sa iyo, at yung mga pasobra ipinasok namin sa bangko niya," patuloy niya.
Nang tanungin ni Mikee si Chuckie kung nagkaayos pa sila ng aktor bago ito pumanaw, sinabi niya na hindi na dahilan iniwasan na lang nila ang isyu hanggang sa nabalitaan na lang nila na pumanaw na ito.
"Ipinagsadasal na din lang namin," ayon kay Chuckie na hindi tinukoy kung sino ang naturang aktor. --FRJ, GMA Integrated News