Matapos ang halos dalawang linggong paghahanap, ligtas nang nakita ng mga kamag-anak ang overseas Filipino worker (OFW) na galing Saudi Arabia pero na hindi nakauwi ng Pangasinan matapos dumating ng Pilipinas noong December 2.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV News nitong Dec. 16, sinabi ng mga kaanak na nabiktima ng kawatan na may patalim ang OFW na si Michael Lomibao.
Ninakawan umano si Lomibao ng tatlong lalaking armado ng patalim sa isang terminal sa Maynila.
Nanlaban umano ang OFW kaya nagkaroon siya ng pasa at galos sa mukha pero ligtas.
Noong December 13, nang makontak ng pamilya sa telepono si Lomibao at ipinaalam sa kanila na ligtas siya.
“Nakasalubong niya tatlong lalaki na may mga balisong. Hinila nila yung mga gamit niya. Nanlaban daw siya,” sabi ni Elem Bautista, kapatid ni Lomibao.
Ayon kay Jerrylyn Parahan, pamangkin ni Lomibao, isang kaibigan ng kapatid ni Lomibao, na nagtatrabahong security guard sa terminal ang tumulong na hanapin ito matapos na malaman na nawawala ang OFW.
Pansamantalang nawalan umano ng malay si Lomibao nang lumaban sa mga kawatan na kumuha sa kaniyang mga gamit.
“'Pinanood ko na lang. Nakuha nila yung gamit ko. Wala akong magawa,' Sabi niya, tapos nawala daw ng malay,” kuwento ni Bautista tungkol sa nangyari kay Lomibao.
Maayos na umano ang lagay ni Lomibao na pansamantalang tumuloy sa kanilang kaanak sa Laguna bago uuwi sa Pangasinan.
“Masaya na kami at nakauwi na siya. Yung mga kumupkop sa kanya, maraming salamat,” ayon kay Bautista. -- FRJ, GMA Integrated News