Binatikos ng PDP Laban na partido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng House Quad Committee (QuadComm) na kasuhan ang dating lider ng bansa dahil sa nangyaring mga patayan sa war on drugs ng dating administrasyon.
"The PDP Laban strongly condemns the move of the House of Representatives QuadComm recommending the filing of charges against former President Duterte, Senators Bato dela Rosa, Bong Go, among others, over the alleged crimes committed during anti-drug war of the past administration. This act by Quadcomm is clearly politically motivated and with no clear legal and evidentiary basis," saad na inilabas na pahayag ng partido nitong Huwebes.
Ayon pa sa PDP Laban, ginipit ang mga taong ipinatawag sa mga pagdinig ng komite, at pinagbabantaan na iko-contempt at idedetine "if they did not follow the script of QuadComm."
Iginiit din ng partido na walang "due process" at "bias" laban kay Duterte ang pagdinig, na katulad din umano ng ginagawang pagdinig ng isa pang komite na nais namang dikdikin umano si Vice President Sara Duterte sa alegasyon ng paglulustay ng pondo.
BASAHIN: QuadComm: Dapat kasuhan sina ex-Pres. Duterte, Sens. Bato, Go dahil sa mga patayan sa war on drugs
"This clearly shows that the House of Representatives has launched a carefully planned, well-funded, but poorly executed demolition job against the former President and his allies ahead of the 2025 elections," ayon sa partido.
"No amount of black propaganda or disinformation can ever change the unprecedented anti-crime legacy of the Duterte administration," dagdag nito.
Samantala, inihayag naman ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panayam ng mga mamamayag na ang Department of Justice (DOJ) ang susuri sa mga rekomendasyon ng QuadComm.
"It's the Department of Justice who has to make the assessment. The QuadComm made recommendations, and that is the process," anang pangulo.
"It is [part of] their (Congress) oversight function. The DOJ will see if it is time to file cases [against these people]," dagdag niya.
Batay sa tala ng kapulisan, nasa mahigit 6,000 drug suspect ang nasawi sa war on drugs ni Duterte, pero naniniwala ang mga human rights group na aabot sa 30,000 katao ang nasawi.
Sa inilabas na rekomendasyon ng QuadComm, kasamang pinuna ang sinasabing pagpapatupad ng reward system o pabuya sa mga pulis sa bawat drug suspek na mapapatay.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Ingtegrated News