Kung nagkaletse-letse noon ang buhay ng pamilya ni Realisa Balahim, ngayon, nagbago na ito at maginhawa na dahil sa matiyaga nilang pagbebenta ng lechen flan. Mula sa bangketa na puwesto, ngayon, may sarili na silang tindahan at kaya pang umabot sa 6-digit ang kita kada buwan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita kung gaano karami ang bumibili ng leche flan sa tindahan nina Realisa sa Sampaloc, Maynila, sa bahagi ng Espanya.

P60 kada tub o liyanera ang bentahan ng leche flan classic nina Realisa. Mayroon din silang leche flan with a twist gaya ng graham de leche at ube flan.

Ayon kay Realisa, marami na rin silang reseller mula sa iba't ibang probinsya.

Kuwento niya, 2016 nang magsimula silang magbenta ng leche flan at inutang nila ang P30,000 na ginamit nilang puhunan.

Sa bangketa rin lang sila nagluluto at nagbebenta. Sa isang araw, masaya na raw silang makapagbenta ng 50 leche flan.

"Ang hirap po kasi nandyan yung clearing [operation], huhulihin ka. Tapos minsan isasakay pa sa truck mga gamit mo. Mahirap talaga ang maging mahirap," pahayag niya.

"Pero kapag walang tiyaga, walang nilaga," pahabol niya.

Ang kanilang pagtitiyaga, nagbunga naman ng "nilaga," dahil lumago ang kanilang benta. Kung dati ay masaya na silang makabenta ng 50 leche flan sa isang araw, ngayon, daan-daang leche flan ang ginagawa nila kada oras.

Ang kita nila noon na nasa P10,000 kada buwan, ngayon, kaya na raw umabot ng 6-digits. Nag-ipon sila ng kaniyang mister hanggang sa maipundar na ang puwesto nila sa Espanya noong 2020.

Mayroon na rin silang apat na palapag na gusali kung saan nila niluluto ang kanilang leche flan. May sarili na rin silang bahay at mga sasakyan.

"Dati nga field trip hindi masamahan ng mga anak ko kasi wala kaming panggastos. Ngayong every year nasa ibang bansa kami, namamasyal," pahayag niya.

Pero ang higit na ipinagpapasalamat ni Realisa, nang dahil sa katas ng leche flan ay nadugtungan ang buhay ng kaniyang mister na kaniyang naipagamot nang nagkaroon ng lung cancer noong 2020.

"Kahit ibalik na lang kami sa bangketa basta gumaling lang siya. Pero grabe ang lakas namin kay Lord," sabi ni Realisa dahil bukod sa gumaling ang kaniyang mister ay nagpatuloy ang pag-unlad ng kanilang negosyo.

Papaano nga ginagawa nina Realisa ang kanilang patok at pinipilihang leche flan? Panoorin ang video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News