Tinanggal sa puwesto ang dalawang pulis matapos makunan ng isang netizen na natutulog sa loob ng mobile patrol habang naka-duty sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing may ranggong staff sergeant at corporal ang mga opisyal.
 
Iniimbestigahan ang dalawang pulis, na hindi nagbigay ng pahayag.
 
Matapos ang insidente, iniutos ng liderato ng PNP Region 7 na alisin ang tint sa mga sasakyan ng PNP.
 
Samantala sa Pozorrubio, Pangasinan naman, inalis din sa tungkulin ang pitong miyembro ng Pozorrubio fire station, matapos masawi ang limang miyembro ng isang pamilya sa sunog sa Barangay Poblacion.
 
May ilan ang nagsabing huli nang dumating ang truck ng bumbero at wala pang kargang tubig.
 
Patuloy ang imbestigasyon kung nagkaroon sila ng kapabayaan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News