Dead on spot ang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa bayan ng Lemery, Batangas matapos itong tambangan nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, kinilala ng pulisya ang 59-anyos na biktima na si Enrico Renwick Razon, kapitan sa Barangay District 3 ng Lemery.
Kwento ng kaniyang kinakasama na si Lovely Anne Bernardo, bigla na lang silang pinaputukan ng mga suspek na sakay ng motorsiklo habang nasa loob ng kanilang sasakyan sa Barangay Ayao-iyao.
Ayon pa kay Lovely Anne, kasama ng biktima ang mga anak nito nang mangyari ang pamamaril.
“Maya-maya po eh may tunog paputok lang po eh... Ang pakinig namin sa likod niya. Pagtingin ko po ng gan'on sa bata dugo na. Tapos basag na po ‘yung salamin. Tapos sabi ng bata, ‘mommy’; sabi ko, ‘yuko’. Tapos ang huling imik po niya gaganituhin niya po ang baril niya,” aniya.
“May baril po siya lagi, hindi na po niya nadala. Then inalalayan ko na lang po siya sa leeg tapos ang sasakyan po ay umaandar, inuna ko po i-park ang sasakyan at ibangga,” dagdag pa niya.
Limang tama ng baril ang kumitil sa buhay ng biktima, ayon sa pulisya.
“Sa CCTV kasi na nakuha natin nauna si ABC, ‘yung sasakyan niya. Then sinundan ng motor. Itong motor nagmamadali at hinabol si ABC, tinabihan at du’n na siya pinutukan. Walo po ang tama ng sasakyan. Kita ang entrance ng bullet,” pahayag ni Lemery Police Station chief Police Major Gerry Solomin Abalos.
Sa ngayon, palaisipan kay Lovely Anne ang pangyayari lalo’t wala umanong napabalitang nakakaaway ang biktima.
“Napaka-buti namang tao ni ABC hindi lang naman po ako ang tinutulungan niya at pamilya ko, madami pong nakapaligid po sa kaniya na tinutulungan niya at sinusuportahan,” giit pa niya.
Bukod sa pulitika may tinitignan pang ibang anggulo ang mga awtoridad sa motibo ng pagpatay kay Razon.
“'Yung business niya, under investigation pa rin po ito. Medyo nahihirapan tayo kasi lahat ng nakausap natin, mga kapitan, mga kadikit niya, walang sinasabi na kaaway o banta sa kanya,” sambit ni Abalos.
Suportado naman ng lokal na pamahalaan ng Lemery ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
“Ang order lang naman ni Mayor ay una tiyakin na maging kalmado ang bayan at kung ano man ang maitutulong ng pamahalaang bayan lalo na suporta para sa mabilis na resolusyon ng pangyayaring ito ay maaasahan ng ating kapulisan,” sinabi ni Lemery Municipal Administrator Norly Solis.
Samantala, nanawagan naman ng hustisya ang pamilya ng biktima.
“Makonsesnya siya. Hindi niya alam kung gaano, kabuting tao ang ginawan nila ng ganon. Hindi po deserve ni ABC na mangyari sa kaniya ‘yan,” diin ni Bernardo.
“Sa nangyari sa kapatid ko ay sana magkaroon ng katarungan dahil siya ay kung may kaaway ay hindi ganun ka-lenient, kaluwag ang kaniyang pagdadala ng sasakyan,” dagdag pa ni Richard Razon.
Bumubuo na ng Special Investigation Task Group ang Philippine National Police Batangas para tumutok sa pagpatay kay Razon. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News