Inaresto ng mga awtoridad ang isang 62-anyos na lolo, at tatlo nitong anak na lalaki matapos akusahan ng panghahalay sa tatlong magkakapatid na babae na kanilang kadugo sa Taysan, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," napag-alaman na ang tatlong biktima na nasa edad 18, 12, at pito na ngayon, ay anak ng dating overseas Filipino worker na itinago sa pangalang "Linda."
Labis ang kalungkutan ni Linda sa nangyari sa kaniyang mga anak, sa kamay mismo ng kaniyang ama at tatlong kapatid na lalaki.
"Ang gusto ko lang sa mga anak ko sana maging masaya ang paglaki nila," emosyonal na pahayag ni Linda, 40-anyos.
Dinakip ng mga awtoridad sa bisa ng arrest warrant ang mga suspek na kinabibilangan ng lolo, 62-anyos, at mga anak nitong lalaki [kapatid mismo ni Linda] na edad 32, 22, at 18.
Ayon kay Linda, July 2021 habang nagtatrabaho siya sa ibang bansa nang magsumbong sa pamamagitan ng mensahe ang isa niyang anak kaugnay sa ginagawang pang-aabuso umano ng lolo at mga tiyuhin.
"Sabi niya, 'Mama.' Mama lang walang salitang kung anuman." Nang tanungin daw niya ang anak kung bakit, sinabi raw ng anak na, 'Natatakot po ako."
Taong 2014 pa raw nangyayari ang pagsasamantala ng mga suspek sa biktima. Hindi raw nakapagsumbong ang mga biktima dahil sa takot.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng trauma ang magkakapatid na biktima. Ang mga kahalayan na lang umano ang naaalala ng mga ito at hindi na gaanong matandaan kung ilan ulit nangyari.
Sasampahan ng reklamong rape ang mga nakadetineng suspek, na hindi umano nagbigay ng pahayag, ayon sa ulat.
Nasa pangangalaga naman ng social welfare department ang mga biktima at isasailalim sa counseling.--FRJ, GMA News