Duguan at may saksak sa dibdib nang makita ang bangkay ng isang lalaki sa bakanteng lote na malapit sa isang paaralan sa Bacolod City.

Sa ulat ni Aileen Pedroso sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Erwin Abetong, 21-anyos, barker sa reclamation area sa lungsod.

Hindi kalayuan sa bangkay ng biktima, nakita ang kaniyang tsinelas na posibleng indikasyon daw na nakatakbo pa ang biktima para humingi ng tulong.

Ayon sa live-in partner ng biktima, nakatanggap ito ng banta sa buhay mula sa kaniyang social media account. Pero hindi pa nila matukoy ang pagkakakilanlan ng nagbanta dahil hindi na nila mabuksan ang account ng biktima.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, walang masamang record sa barangay ang biktima at wala rin siya siya sa drug watchlist.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News