Patay ang walong sundalo at anim pa ang sugatan nang maaksidente ang kanilang sinasakyan sa Uson, Masbate.

Sa ulat ng Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Purok 2, Barangay Buenasuerte sa bayan ng Uson.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na magdadala sana ng supply ang mga sundalo ng 2nd Infantry Battalion para sa kanilang detachment.

Pero habang nasa biyahe, pumutok ang isang gulong ng sasakyan, na dahilan para mawalan ng control ang driver at bumangga sa nakaparadang cement tuck mixer.

Ikinalungkot ng 9th Infantry Division ng Philippine Army ang nangyaring insidente. -- Sherylin Untalan/FRJ, GMA News