Na-hulicam ang paninipa ng isang high school teacher sa isa niyang estudyante sa Cagayan de Oro City, ayon sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan de Oro sa Unang Balita nitong Martes.
Inakala raw ng guro na binu-bully siya ng nasabing estudyante kaya galit at tadyak ang inabot nito sa kaniya.
Sa video, makikita ang grupo ng mga estudyante na nakatayo sa hallway ng Bayabas National High School. Maya-maya pa, makikita ang babaeng guro na lumapit sa isang estudyanteng lalaki. Pinagalitan niya ito at sinipa.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, nakausap na nila ang guro at mga magulang ng bata.
"May mga bata na talagang sila pa ang nangbu-bully sa kanilang mga guro. So, ang feeling ng guro na siya ang binu-bully kaya na-recall niya ang mga batang ito," ani Manuel Lincaro Jr., school head ng Bayabas National High School.
Hindi na-suspinde ang guro at hindi na rin itinuloy ng magulang ng sinipang estudyante ang pagsasampa ng reklamo.
Dahil dito, nagpaalala ang Department of Education sa Cagayan de Oro sa mga guro na bawal ang manakit ng estudyante at habaan pa ang kanilang pasensiya. —KBK, GMA News