Isang lalaki na nagsumbong umano kung sino ang nagnanakaw ng bunga ng mga saging sa kanilang lugar ang pinagbabaril sa loob ng kaniyang bahay sa Quezon. Ang suspek, ang lalaki na isinumbong.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Nilo Alvarez, residente sa Barangay Bukal sa Tiaong, Quezon.
Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa katawan mula sa kalibre .38 na baril pero masuwerteng nakaligtas.
Tumakas naman at patuloy na pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na si Manuel Mailig.
Batay sa imbestigasyo ng pulisya, personal na galit ang ugat ng pamamaril ng suspek sa biktima.
Si Alvarez daw kasi ang pinaniniwalaan ni Mailig na nagsumbong sa may-ari ng lupa na siya ang nagnanakaw ng mga bunga saging sa taniman nito.
"Sa mga nakaraang araw lang din, marami kasing nawawala din na saging. Eh siya [suspek] ang naisumbong. Parang ang lumalabas ay siya lahat yung nagnanakaw kaya nagalit itong si suspek," ayon kay Police Lieutenant Colonel Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Police Station.
Ayon pa kay Cabatana, nagpaabot ng mensahe noong nangyari ang insidente si Mailig na susuko pero hindi naman nagpakita.
"Kaya lang hanggang sa ngayon ay hidn na rin po ma-contact ng pamilya. Hindi na rin namin ma-locate kung saan yung kinaroroonan nitong ating suspek. I guess negative na yung surrender nito," anang opisyal.
Sinisikap pang makuha ang pahayag ng biktima at pamilya ng suspek, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News