KALIBO, Aklan —Nababahala sa ngayon ang provincial government ng lalawigan na posibleng kulangin ng supply ng karne ng baboy kapag nagtuloy-tuloy ang mataas ng demand ng produkto sa Kamaynilaan.
Lumitaw ang mga pangamba nang magsagawa ng public hearing ang sanguniang panlalawigan ukol sa isyu matapos malaman sa unang pagkakataon na nagsu-supply na sa Kamaynilaan ang ilang mga lokal na negosyante ng baboy.
Tumaas ang demand ng baboy sa National Capital Region matapos ma-infect ng African swine fever ang (ASF) ang maraming babuyan sa Luzon at maging sa Eastern Visayas.
Ayon sa datos ng Provincial Veterinarian Office, noong 2020 nasa 4,821 na baboy lamang ang lumalabas sa Aklan para sa mga residente ng Iloilo at Capiz.
Ngayong Enero lamang ng 2021, umabot na sa 1, 821 na baboy ang nailalabas at karamihan sa mga ito ay patungong Kamaynilaan.
Kasalukuyang naghihigpit ang lalawigan ng Aklan na may pumasok na baboy o kahit na processed meat para maiwasan ang ASF sa Aklan base sa executive order na ipinalabas ni Aklan Governor Florencio Miraflores.
Samantala, ayon kay Soviet Dela Cruz, chair ng committee on agriculture ng Sanguniang Panlalawigan, kailangan din ang suplay baboy sa Aklan upang matugunan din ang pangangailan ng turismo sa Boracay Island. —LBG, GMA News