Nasawi ang isang limang taong gulang na batang lalaki matapos siyang masagasaan ng ambulansiya sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa Barangay Santa Ana 6:30 p.m. ng Linggo.
Nagtungo noon sa birthday party ang pamilya ng biktima, kung saan sumama ang biktima sa kaniyang 12-anyos na ate, na inutusan ng kanilang mga magulang na bumili ng plastic sa isang tindahan, ayon sa pulisya.
"After nilang bumili, noong maihatid na ang kanilang plastic na binili, si ate, 'yung 12 years old, umalis at allegedly pumunta sa kaibigan. Ito namang ating victim sumunod. So noong patawid na siya sa kalsada, siya namang daan ng ating ambulansiya," sabi ni Police Lieutenant Colonel Marlo Solero, hepe ng Taytay Police.
Nakunan sa CCTV ang mismong pagsalpok ng ambulansiya sa biktima.
Isinugod pa sa ospital ang bata ngunit idineklarang dead on arrival.
Sinabi ng driver ng ambulansiya na nagmula sila sa isang ospital sa Quezon City at nag-pick up ng mga tent na ginamit ng mga nasunugan sa Lupang Arenda.
Nakatakda sanang sumundo ng isang pasiyente ang ambulansiya nang mangyari ang aksidente.
"Na-trauma po talaga ako, na-shock din po talaga ako sa nangyayari. Hindi rin natin po talaga maisantabi na siyempre, may buhay pong nawala pero talaga pong nakakalungkot ang nangyari dahil sa isang aksidente," sabi ng driver ng ambulansiya.
Inilahad ng isang saksi na bago pa ang naturang aksidente, nakabangga pa umano ang ambulansiya ng mixer na ginagamit sa ginagawang kalsada.
"Tinuro ko po 'yung mixer. Sabi ko 'Nabangga niyo 'yung mixer. Bumaba po 'yung driver. Tapos noong natapos sila, meron po akong narinig na tunog ng preno na napakalakas. Tumakbo po ako, tapos nakita ko po mga nagsisigawan na, may nasagasaan daw. Pagtingin ko po, 'yun po pala 'yung anak ng kumpare ko," sabi ng saksi.
Kapapasok lang sa kindergarten ng biktima na kinilalang si Donn Isaiah Izaac Bagcal.
"Hindi naman kasi mababalik ng tawad 'yung buhay ng anak ko eh. Ang gusto ko na lang mangyari, hustisya talaga. Pagbabayaran niya talaga sa kulungan," sabi ni Almyra Omapoy.
Nakadetene ang driver ng ambulansiya sa custodial facility ng Taytay Municipal Police Station, at mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News