Kinumpirma ng abogado ni Rufa Mae Quinto na mayroong standing warrant of arrest ang aktres kaugnay ng problema sa isang kompanya na naging dahilan din ng pagkakaaresto sa aktres na si Neri Naig-Miranda noong nakaraang linggo. Giit ng abogado, "biktima" rin ang komedyante.

Sa ulat ng GMA News  "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Atty. Mary Louise Reyes, na nahaharap ang kliyente niyang si Rufa Mae sa mga kasong 14 counts of violation of Section 8 ng Securities Regulation Code, na patungkol sa kawalan niya ng karapatan na magbenta ng shares at mangalap ng mamumuhunan sa negosyo.

Pero paglilinaw ni Reyes, walang kasong large-scale estafa na kinakaharap si Rufa Mae.

Walang piyansa na nakalaan para sa mga taong nahaharap sa kasong large-scale estafa kaya kailangang makulong ang akusado habang dinidinig ang kaso.

"She will face those charges... mag-voluntary surrender siya and magpo-post po kami ng bail for that. She's worried kasi hindi naman totoo 'yung allegations kasi my client po is just a brand ambassador, a model-endorser," paliwanag ni Reyes.

"Ni hindi sa kaniya nakapagbayad ng downpayment, tapos 'yung mga tseke po puro tumalbog. Lahat po 'yan hawak naman po namin 'yung ebidensya, ipe-present naming sa court," dagdag pa ni Reyes.

Sinabi ni Reyes na ikinukonsidera ni Rufa Mae na magsampa rin kaso.

September 2023 nang maglabas ng abiso ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions.

Inihayag ng ahensiya na hindi awtorisado ang kompanya na mangalap ng mamumuhunan dahil hindi ito rehistrado at walang license to sell securities.

Nakasaad sa abiso ng SEC na maaaring makasuhan dito ang mga salesman, brokers, dealers, agents, promoters, influencers, at endorsers ng Dermacare.

Inaresto naman si Neri noong nakaraang linggo dahil sa kinakaharap na kasong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code.

Matapos arestuhin, idinetine si Neri sa Pasay City Jail female dormitory. Pero nitong Biyernes, dinala siya sa ospital para “medical evaluation.”

Sa naunang Instagram post ng asawa ni Neri na si Chito Miranda ng Parokya ni Edgar, iginiit niya na walang niloko ang kaniyang maybahay at sinabing endorser lang ito ng kompanya.

BASAHIN: Chito Miranda sa pag-aresto sa misis niyang si Neri Naig: 'Kawawa naman yung asawa ko'

Ipinakita rin ang lumang Facebook post ni Neri noong nakaraang taon na nakasaad ang paglilinaw ng aktres na hindi na siya konektado sa Dermacare, at hindi niya pinapahintulutan kung ginagamit pa ang kaniyang pangalan at larawan.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang Dermacare.-- FRJ, GMA Integrated News