Arestado ang isang taxi driver sa Cebu City matapos siyang ireklamo ng panghahalay ng isang 19-anyos na transgender na nangyari sa isang liblib na lugar.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Miyerkoles, inakusahan ng biktima ang suspek na hinalikan at ginawan siya ng kalaswaan ng driver.
Hindi na umano nagawang manlaban ang biktima dahil sa takot.
Iginiit naman ng suspek na pareho nilang gusto ng biktima ang nangyari.
Sinabi pa ng driver na ang biktima pa umano ang nag-aya na magpunta sila sa liblib na lugar.
Sa kabila nito, humingi siya ng kapatawaran sa biktima at nakiusap na huwag nang ituloy ang reklamo laban sa kaniya dahil mayroon siyang tatlong anak.
Pero desidido umano ang pamilya ng biktima na ipakulong ang suspek.
Sa hiwalay na ulat ni Decemay Padilla ng Super Radyo Cebu, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Lahug.
Ikinuwento umano ng biktima na pagsakay pa lang niya ng taxi ay hinahawakan na siya ng suspek at nagpapakita ng ari hanggang sa dinala na siya sa liblib na lugar kung saan nangyari ang panghahalay.
Kaagad na nagsumbong ang biktima sa awtoridad nang makarating na siya sa kanilang lugar kaya naaresto ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News