Isang lalaki ang bigla na lamang lumubo ang braso, lumawlaw ang laman at nagkabukol-bukol pa na umabot na ng limang kilo sa Lakewood, Zamboanga del Sur. Suspetsa ng kaniyang pamilya, dahil ito sa kaniyang kakambal umano na elemento.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang 29-anyos na si Bong Halius, taga-Sitio Tuburan, na itinuturing pa ring kapaki-pakinabang ng kaniyang pamilya at mga kaanak dahil sa pagtulong niya sa mga gawaing-bahay gaya ng pagsasaing, paglilinis at paghuhugas ng mga plato.
Madalas ding binibisita ni Bong ang kaniyang inang si Planie Halius sa kanilang tahanan sa bukid, kung saan siya ang nagtatanim ng kamote.
"Nagsimula ang kamay niya nang marunong na siyang umupo hanggang paglaki niya, lumalaki na rin ang kamay niya," ayon kay Planie.
Bukod dito, tinubuan na rin ng mga maliliit na bukol ang kanang braso, batok at likod ni Bong.
"Ang dibdib ko, hindi katulad ng iba na pantay. Sumasakit ito," anang binata.
"Kapag nagtatrabaho ako, sumasakit. Kapag nagdadala ako ng mabigat," dagdag ni Bong.
Kaya naman hirap si Bong na humanap ng mga malalaki at maluluwag na damit na magkakasiya sa kaniya. Hirap din siya sa pagtulog.
Upang hindi maburyong, pagbibilyar ang kaniyang libangan, ngunit solo lamang siyang naglalaro.
"Nahihiya akong makipaglaro sa kanila dahil sa kamay ko. 'Yun ang dahilan hindi ako nakikipaglaro sa kanila," sabi ni Bong.
Sa kabila ng kaniyang pag-iwas na mapuna ng ibang tao, kadalasan pa rin siyang nagiging sentro ng atensyon at tinutukso sa kanilang lugar. Nagresulta ito ng kaniyang pagiging mahiyain.
Teorya ni Planie na gawa ito ng kakambal ni Bong na isa umanong elemento.
"Mayroon akong naramdaman na kasama niya," sabi ni Planie. "Mayroon akong naramdaman na kasama niya. Naunang lumabas si Bong, sumunod ang kambal niya. Paglabas niya tumama sa dingding. Tao rin ang histura niya. Babae."
Ito rin ang paniniwala ni Bong.
"Naniniwala ako na may kakambal ako," sabi ng binata.
Tunghayan sa KMJS ang kauna-unahang beses na makakapagpatingin si Bong sa doktor, ano ang tunay niyang kondisyon, at kung may lunas pa ito. — VBL, GMA Integrated News