Isang unibersidad sa Iloilo ang sumusubok na gawing wine o alak ang seaweeds na sinasabing mabisang antioxidants, at pinaniniwalaang makatutulong sa mga pasyenteng diabetic.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA Regional TV News, sinabing sa halip na karaniwang prutas gaya ng ubas, ang mga seaweed o damong-dagat ang naisipan ng Iloilo Science and Technology University (ISAT-U) na gamiting raw material sa ginagawa nilang wine.

Naisipan ito ng ISAT-U Research Hub nang minsan nilang bisitahin ang coastal communities at makita na mayaman sa seaweeds ang lugar.

Ayon kay Hilario Taberna, Jr., ISAT-U Research Hub project leader, umaasa siya na magiging matagumpay  ang ginagawa nilang seaweed wine gaya ng tagumpay ng naturang uri ng inumin sa Germany.

“Same rin sa fruit wine, sa grapes, we need sugar and then we have, actually sa fruit itself ang sugar ng fruit and then mayroon tayong yeast. So, ang yeast will convert the sugar into alcohol,” paliwanag ni Taberna.

Itinuturing umano na medical food ng 21st century ang seaweeds dahil sa taglay nitong phytochemicals, vitamins, at minerals.

Dahil sa health benefits nito, tinitingnan ng grupo ni Taberna ang potensiyal ng seaweed wine para matulungan ang mga diabetic.

Kailangan din umano ng karagdagang pag-aaral upang matukoy ang potensyal ng seaweed wine na maging natural na gamot dahil na rin sa pinaniniwalaan nitong taglay na antioxidants.

“We found out na ang aming seaweed wine much better sa commercial wines na kini-claim na anti-diabetic ang kanilang wine,” ani Taberna.

Nakompleto na ng grupo ni Taberna ang paggawa ng seaweed wine, at isinasailalim na ito sa testing stage upang matiyak na ligtas at puwede itong inumin ng tao.

Pinaplano umano ng paaralan ang komersyalisasyon ng produkto na layunin ding matulungan ang kabuhayan ng mga naninirahan sa coastal communities sa Iloilo.

Ready ka bang subukan ng seaweed wine? -- FRJ, GMA Integrated News