Arestado sa isinagawang police drug buy bust operation sa Barangay Rizal, Tagkawayan, Quezon ang isang 33-anyos na lalaki.
Nakuha sa kanya ang mga sachet at isang bloke ng shabu na tinatayang higit isang kilo ang bigat at nagkakahalaga ng P23 milyon.
Isang pulis mula sa Quezon Provincial Drug Enforcement Unit ang nagpanggap na buyer ng shabu. Nang maiabot ang droga sa pulis ay dito na sya inaresto. Nakuha rin sa suspek ang pera na ginamit sa pagbili ng shabu.
Ayon sa PNP, posibleng galing Maynila ang droga at nakatakdang ikalat sa Southern Luzon. Posible raw na isang malaking sindikato ang may dala ng droga.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Wala pang isang buwan ang nakakalipas, isang kilo rin ng shabu ang nasabat sa drug buy bust operation sa Sariaya, Quezon.—LDF, GMA Integrated News