Nasawi ang isang magnanakaw umano sa isang grocery store matapos siyang tumakas at manlaban sa dumadakip sa kaniyang pulis sa Binalonan, Pangasinan.

Ang pulis naman, sugatan nang masaksak ng suspek.

Sa ulat ni Cris Zuñiga ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nakatanggap ng ulat ng nakawan ang pulisya sa isang grocery store kaya sila rumesponde.

Pagkarating ng mga awtoridad sa insidente, tumakbo ang mga suspek na humantong sa habulan, kung saan sinaksak ng isa sa mga suspek ang pulis na si Police Master Sergeant Heribert Plares.

Ayon sa pulisya, sumunod si Plares sa wastong operating procedures bilang self-defense.

Nagpapagaling na sa ospital ang pulis, na nagtamo ng tatlong saksak sa dibdib at likod.

Ginawaran si Plares ng medalya at inirekomendang ma-promote.

Samantala, tinutugis ang isa pang nakatakas na suspek.

—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News