Aabot sa 22 na mga biktima ang nasagip ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na anti-human trafficking operations sa Pampanga at Tarlac sa Central Luzon kamakailan.

Iniulat ni Raffy Tima sa “Unang Balita” nitong Biyernes na 20 sa 22 na na-rescue ay mga menor de edad, kabilang ang mga musmos.

Ayon sa ulat, ang mga umano’y nagbebenta online sa mga biktima ay mismong mga kaanak nila.

Inilarawan sa ulat na kailangan pang bitbitin ng mga tauhan ng PNP- Women and Children Protection Center (WCPC) ang mga batang biktima dahil paslit pa ang mga ito.

Kailangan pa umanong ikalong ng isang suspek na lola na nahuli sa isa sa mga operasyon ang isang batang biktima dahil maliit pa ito.

Pahayag ni Police Colonel Maria Sheila Portento, hepe ng WCPC Anti-Trafficking in Persons Division, “Isang kaso was referred to us by the Australian Federal Police, at ang isa naman ay ng US Homeland Security Investigations, at yung pangatlo ay through pro-active investigation ng local police.”

Arestado ang apat na suspek, at sa 22 na na-rescue, 20 ay mga menor de edad, pahayag ni Portento.

“May facilitator na pinay na nagbebenta ng images, videos at nagla-live stream sila na inaabuso sexually ang mga batang ito,” ayon kay Portento.

Nakumpiska sa mga operasyon ang ilang cellphone na nakitaan ng ilang malalaswang larawan at videos, dagdag pa nito.

Batay sa datos na PNP mula sa pakikipag-ugnayan nito sa kanilang foreign counterparts, tumaas ang bilang sa mga ganitong aktibidad mula nang magkapandemya.

“Ang mga biktima ay naka-lockdown, ang mga facilitator nandun sa bahay, walang trabaho ang mga tao…” pahayag ni Portento.

Dagdag pa niya, “P1,000 hanggang P3,000 ang singilan sa mga parokyano na karamihan ay mga dayuhan.

Isinalaysay ng isang suspek sa panayam ng GMA News na 2017 pa siya nagsimula at sarili lamang niya ang inilalako noon. Pero nitong pandemya, talagang na ngangailangan lang umano siya. Pero itinanggi niyang isinasama niya ang kanyang mga apo.

Marami na umano ang mga gumagawa nito sa kanila at napagaya lamang umano siya sa mga kapit-bahay niya.

Nakiusap naman ang PNP na huwag mag atubiling isumbong ang ganitong mga aktibidad na may kaparusahang habang-buhay na pagkabilanggo. —LBG, GMA News