Tumalsik at nawasak ang karatulang inilagay ng mga pulis sa gitna ng kalye habang nagsasagawa ng checkpoint sa San Carlos City, Pangasinan nang salpukin ito ng isang humaharurot na tricycle.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa Barangay Bulingit para sitahin ang mga motorsiklo.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, nahuli-cam ang pagdating ng humaharurot na tricycle at dire-diretsong binangga ang karatula.
Mabuti na lang at hindi pinaputukan ng mga pulis ang tricycle driver na nahuli rin kinalaunan at dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa opisyal ng barangay, lumilitaw na ninerbiyos umano ng driver ng tricyle nang makita ang checkpoint at napag-alaman na wala siyang dalang dokumento ng sasakyan.
Payo naman ng pulisya sa mga motorista, huwag mataranta at matakot kapag nakakakita ng checkpoint dahil para rin ito sa kanila.--FRJ, GMA News