Natagpuang patay at may tama ng mga bala ng baril ang apat na lalaki sa loob ng kanilang opisina na graphics design at auto shop sa Biñan, Laguna. Hinala ng mga awtoridad, kilala ng mga biktima ang mga salarin.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina James Anthony Alon Alon, Jason Mangahis, at magkapatid na sina Custer at Carlo Tanael.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing walong lalaki ang pumasok sa opisina dakong 11:30 pm nitong Linggo sa P. Burgos Street, Barangay San Vicente.
“May indication po na magkakakilala sila, dahil para makapasok po rito sa gate at that time, about 11:30, alam po nila na hatinggabi na pero pinapasok pa rin po nila,” sabi ni Biñan police chief Police Lieutenant Colonel Giovanni Martinez.
“Tapos alam din po nu’ng mga suspect natin kung sino ang may hawak ng duplicate key,” dagdag niya.
May mga CCTV sa lugar pero nawawala umano ang hard drive na pinapaniwalaang kinuha ng mga salarin.
Ayon sa isang saksi, nakarinig siya ng pagtatalo bago niya nadinig ang mga putok ng baril.
Napag-alaman naman sa mga awtoridad, na nasangkot umano noon sa kasong illegal firearms ang biktimang si Mangahis.
Itinuturo naman na lider ng Alon Alon drug group ang isa pang biktima na si Alon Alon.
“Based po do’n sa mga revelations ng mga arrested [drug]suspect natin, may mga drug pushers na ang source po ng illegal drugs nila ay allegedly dito po sa Alon Alon drug group,” ayon kay Martinez.
May nakita rin na maliit na bag ang caretaker ng opisina na naglalaman ng hinihinalang shabu at weighing scale.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News