Libu-libong trabaho para sa mga Pinoy caregiver ang naghihintay sa Croatia sa ilalim ng napagkasunduang programa ng Pilipinas at ng naturang bansa sa Europa.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang special hiring program ng Croatia at Pilipinas ay nakapaloob sa nilagdaang memorandum of cooperation (MOC).
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), posibleng umabot ng hanggang 1,000 euros o P62,000 ang minimum na sahod kada buwan.
Hindi pa umano kasama ang overtime pay at iba pang benepisyo.
Sinabi ni DMW Undersecretary Patricia Yvonne Caunan, na plano ng Croatia na magbukas ng 18 senior care facility at nais nila na mga Filipino caregivers ang kunin.
Maliban sa trabaho, bahagi rin umano ng binuong MOC ang pagtiyak na mabibigyan ng proteksyon ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa kanilang bansa.
Isa umano sa mga karaniwang problema sa Central at Eastern Europe ang third country illegal recruitment scheme na inaalok ng trabaho ang mga Pinoy sa ilegal na paraan.
Muling nagpaalala ang DMW sa publiko na nais magtrabaho sa abroad na huwag papatol sa mga nagre-recruit sa social media.
Sa mga trabaho na naisara sa pamamagitan ng kasunduan sa dalawang bansa, dapat sa DMW umano mag-apply. Kung sa agency naman mag-a-apply, alamin muna sa website ng DMW kung lehitimo ang ahensiya at kung may aktibong job order.-- FRJ, GMA Integrated News