Dahil sa sumbong ng Pretrial Services Officer sa paglabag sa mga patakaran sa kaniyang pansamantalang paglaya, iniutos ng District Court ng New Jersey na ilagay sa home detention o house arrest ang Pinoy doctor na nahaharap sa kasong medical fraud.

Nahaharap si Dr. Alexander Baldonado sa $20.7 million healthcare fraud na isinampa ng Federal Bureau of Investigation.

Una siyang pinayagan ng korte na pansamantalang makalaya matapos pagbayarin ng $200,000 na piyansa.

Kabilang sa kinakaharap na kaso ni Baldonado ang conspiracy to commit healthcare fraud, healthcare fraud, conspiracy to defraud the United States, at soliciting healthcare kickbacks, na umaabot sa $20.7 million.

Sa petisyon ni Pretrial Services Officer Erika DiPalma, inireklamo niya si Baldonado na hindi sinusunod ang mga kondisyon sa kaniyang pansamantalang paglaya.

Kabilang umano ang paglabag sa curfew hours na itinakda ng korte at nagpapakita ng hindi magandang ugali sa kanila.

Dahil dito, inutos ng korte na ilagay si Baldonado sa home detention para mas masubaybayan ang kaniyang galaw at matiyak na sinusunod niya ang mga kondisyon sa pansamantalang paglaya.

Babala ng korte, kapag may nilabag muli si Baldonado sa mga kondisyon, ipapaaresto siya, babawiin ang pansamantala niyang kalayaan, ipakukulong at hindi na ibabalik ang ibinayad niyang piyansa.

Matapos ang pagdinig, tumanggi si Baldonado na magbigay ng pahayag.

Una rito, kinondena ng Filipino American Press Club of New York at National Union of Journalists of the Philippines ang umano'y panggigipit ni Baldonado sa mga miyembro ng media na naglabas ng balita tungkol sa kinakaharap niyang kaso na inilabas mismo ng US Department of Justice sa pamamagitan ng isang pahayag. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News