Dinakip ang isang magkapatid na driver at konduktor ng isang bus na "high" umano sa droga habang pumapasada sa EDSA Busway Martes ng gabi.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing ginalugad ng mga awtoridad ang isang pampasaherong bus na biyaheng Monumento - PITX matapos magsumbong ang isang pasahero na tila sabog umano sa droga ang magkapatid na driver at konduktor.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na mag-9 p.m. ng Martes nang bumaba mula sa bus ang pasahero at nagsumbong dahil sa nakita niya umanong droga at paraphernalia sa loob ng sasakyan.
Humingi ng tulong ang pasahero sa station post ng Philippine Coast Guard Special Action and Intelligence Coordination Team (SAICT), na nagtimbre naman sa iba pa nilang kasamahan.
Matapos magsakay at magbaba ng pasahero ang bus sa Ortigas Station, sumakay ang ilang tauhan ng PCG SAICT upang suriin ang bus. Doon na nakita ang isang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Pagkarating ng bus sa PITX, nilapitan na ng mga awtoridad ang driver at konduktor.
Tuliro nang lapitan ng PCG personal upang kausapin ang dalawang lalaki, na itinangging sa kanila ang drogang nakumpiska.
Pasado 5 a.m. ng Miyerkoles nang umalis ang bus na sangkot sa insidente.
Sinabi ng PCG SAICT na diretso ang bus sa LTO sa Kamuning para sa patuloy na imbestigasyon, at isasabay din ang formal na drug testing sa driver at konduktor ng bus. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News