Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na lumabas sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI)  na magkaparehou umano ang fingerprints ng kapatid ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na si Wesley Leal Guo, at ang isang Chinese passport holder na nagngangalang Guo Xiang Dan.

"Guo Xiang Dian is Wesley Leal Guo. This is according to the fingerprint matching of the NBI using the BOI (Board of Investments) records and the NBI biometric records," pahayag ni Gatchalian sa Viber message niya sa mga mamamahayag.

Nitong Martes, inilabas ni Gatchalian sa media ang mga kopya ng Philippine passport ni Wesly, at ang Chinese passport ni Guo Xiang Dan, na galing sa Special Investor's Resident Visa (SIRV) ng pamilya Guo.

Ayon kay Gatchalian, dumating sa bansa si Guo Xiang Dan sa Pilipinas noong 1999, at nakatala bilang anak ni Lin Wen Yi.

Si Lin Wen Yi ang nakarehistrong ina sa SIRV ni Guo Hua Ping, na nauna nang inihayag ng NBI na siya ring si Mayor Alice Guo, dahil magkapareho rin ang kanilang fingerprints.

"He's listed as the dependent son of Lin Wen Yi which made him Guo Hua Ping's brother. Wesley Leal Guo is an incorporator of CDAG Reality Corporation in which Alice Guo is the majority owner," sabi ni Gatchalian.

Dito, sinabi ni Gatchalian na ipinapakita na inabuso ng pamilya Guo ang late registration process para palabasin na mga Filipino sila.--mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News