Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na inihahanda na ang repatriation flight para sa mga overseas Filipino worker na naapektuhan ng kaguluhan sa Israel, gayundin sa mga labi ng dalawang Pinoy na nasawi sa ginawang pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas.
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, na naghahanda na sila sa gagawing repatriations.
“So abangan na lang ang karampatang anunsyo dito because obviously we’re preparing the flights and all that. But soon there will be repatriation of OFWs,” pagtiyak niya.
Ayon sa opisyal, mayroong 22 OFWs ang nagpahayag na nais na munang umuwi sa bansa. Kinabibilangan ito ng 19 na caregiver at tatlong hotel workers sa Israel.
Kailangan naman umanong makakuha ng clearance mula sa mga awtoridad ng Israel ang pagpapauwi sa mga labi ng dalawang Pinoy na kumpirmadong nasawi sa pag-atake ng Hamas.
“It's been done before noong pandemic sa Saudii. We had mass repatriation of remains so kakayanin man,” ani Cacdac. “Maybe we’re just at the stage na medyo we still need to get the proper clearances from the Israeli authorities.”
Umaasa si Cacdac na puwedeng pagsabayin sa biyahe ang mga OFW at pati na ang labi ng dalawang nasawing Pinoy sa iisang flight.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Educardo de Vega na sinimulan na ang pagproseso para maiuwi ang mga labi ng dalawang OFW.
“Only question is about the shipment of remains. We are not sure if the families prefer to have them here but the process is ongoing,” ayon kay De Vega sa panayam ng CNN Philippines.
Inihayag din ni De Vega na mayroong 70 Pinoy sa Gaza ang nais na umuwi sa Pilipinas.
Gayunman, hindi basta-basta makukuha ang mga Pinoy sa Gaza dahil hinarangan na ito ng Israel. Kailangan umanong magkaroon ng "humanitarian corridors" para makalabas sa Gaza ang mga nais na umalis.
Nitong Huwebes, inilagay ng Pilipinas sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Gaza bunga na rin ng isinasagawang pag-atake doon ng Israel na pinupuntirya ang puwersa ng Hamas.
Ayon sa DFA, mayroong 137 Filipino sa Gaza.— FRJ, GMA Integrated News