Inihayag ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na mahigit 100,000 overseas Filipino workers ang kasamang makikinabang sa minimum wage increase na inaprubahan ng pamahalaan ng Taiwan.
Sa isang pahayag na inilabas ng MECO nitong Huwebes, sinabing inaprubahan ng Taiwanese government ang 4.05% increase sa monthly minimum wage para sa lahat ng industrial sector workers na epektibo sa January 1, 2024.
“On September 13, 2023, the Taiwan ministry of labor announced that the Cabinet has approved its proposed increase in the monthly minimum wage effective next year,” ayon kay MECO chairman Silvestre Bello III.
Kasama sa mga makikinabang dito, ayon kay Bello ay ang 124,265 Filipino factory workers sa Taiwan.
Ngunit hindi umano kasama sa wage hike ang mga live-in migrant caregivers and household service workers dahil hindi ito saklaw ng Taiwan Labor Standards Act, paliwanag ni Bello.
Sa ilalim ng inaprubahang wage increase, ang monthly minimum pay ay magiging New Taiwan (NT) $27,470 mula sa kasalukuyang NT$26,400. Habang ang basic hourly rate ay magiging NT$176 mula sa NT$183.
Ito na ang ikawalong sunod na taon na nagpatupad ng wage hike sa minimum wage earners ang Taiwan mula noong 2016.
Ayon kay Bello, hiniling ng Taiwan Labor Ministry ang dagdag-sahod para matulungan ang mga manggagawa sa industrial sector kaugnay sa pagtaas ng inflation at mahal halaga ng mga pangunahing bilihin doon.
“The Ministry hopes that increasing working-class income will boost productivity and that the increased minimum wages will provide for the basic living necessities of marginal workers as well as spur domestic consumption and economic growth, thereby creating a win-win situation for both labor and management,” ani Bello.
Tinatayang aabot sa 154,000 ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Taiwan.—FRJ, GMA Integrated News