Isang babae ang nasawi matapos makoryente sa radyo na binili niya online sa Virac, Catanduanes. Ang mister, nakoryente rin nang tangkain niyang sagipin ang kaniyang asawa.
Sa ulat ni Rosie Nieva sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Jenny Quintal, residente ng Barangay Valencia.
Ayon sa kaniyang mister na si Rico, dumating ang radyo na nabili ng kaniyang misis online noong lang Hunyo 25.
Sinabi pa ng mister na hawak ni Jenny ang antenna ng radyo at nakapatong ito sa kandungan nang biglang makoryente ang kaniyang asawa.
Tinangka raw niyang iligtas ang kaniyang asawa pero nakoryente rin siya.
"Gusto ko iusog ko siya tanganing makaagi ako duman sa puwerta, pagkakinusog su kuryente tuminama sakuya, ta kung apredo su pwerta siguradong gadan man ako duman," ayon kay Rico.
Hindi naman daw kaagad nalaman ng barangay ang nangyaring trahediya sa mag-asawa.
Kaya nanawagan ang punong barangay na si Voltaire Molto sa kaniyang mga kababayan na ipagbigay-alam sa kanila ang mga hindi inaasahang pangyayari.
Nakahanda naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Catanduanes na tulungan ang pamilya Quintal kung nais nilang sampahan ng reklamo ang online seller ng radyo.
Nagpaalala rin si DTI Provincial Director Maria Belma Escueta, sa publiko na maging maingat sa mga binibiling produkto online.
"Paulit-ulit po nating sinasabi sa ating mamimili, lalong lalo na po yung mga talagang bet na bet ang pag-purchase online, maging mapanuri po tayo sana," anang opisyal. Oo nga nakabili po tayo ng medyo mura at medyo affordable, tuwang tuwa tayo pero sana huwag nating i-compromise yung ating safety." --FRJ, GMA Integrated News