Isang mag-asawa ang nasawi matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang pick-up truck sa Zamboanga del Norte. Ang mga biktima, dala ang bangkay ng kanilang sanggol na anak nang mangyari ang trahediya.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Leon B. Postigo, habang pauwi ang mag-asawa sa bayan ng Sindangan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may dalawang kasama ang mag-asawa na nakasakay sa hiwalay na motorsiklo habang bumibiyahe.
Sa kasamaang-palad, nagkasagian ang dalawang motorsiklo na dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang mister at napunta sa kabilang linya ng kalsada at nakasalpukan ang paparating na pick-up truck.
“‘Yung baby [na patay] ay yakap lang nu'ng mother. Nagkasagian sila ng ka-convoy niyang motor and then it so happen na nung nawalan ng control, going na ‘yung motor sa sasakyan na approaching, head-on collision and then tumalsik sila pabalik sa lane nila,” ayon kay Leon B. Postigo Municipal Police Station Chief, Major Anjelo Acuzar.
Dinala sa ospital ang mag-asawa na idineklarang dead on arrival.
Hindi naman nabatid ng pulisya ang dahilan ng pagkamatay ng sanggol na isang-buwang-gulang lang.
Dinala sa pulisya ang driver ng pick-up truck pero nagkaroon na umano ng pag-uusap sa pamilya ng mga nasawi na hindi na magsasampa ng reklamo.
“Nagkaayos din at nag-settle din na hindi na mag-file ng any complaint provided na tutulong sila sa pag-shoulder ng pagpapalibing doon sa mga namatay,” sabi ni Acuzar.--FRJ, GMA Integrated News